Industries News.Net

Tagalog News: Bakunang Sinovac, certified halal-MOH-BARMM


Philippine Information Agency
5 Mar 2021

LUNGSOD NG COTABATO, Marso 5 (PIA)-- Binigyang-diin ng pamunuan ng Ministry of Health ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MOH-BARMM) na "certified halal" ang mga Sinovac vaccine na dumating sa rehiyon kahapon.

Ayon kay deputy health minister Dr. Zul Qarneyn Abas, nabigyan ng halal certification ng Indonesian Government ang Sinovac vaccines. Ibig sabihin, naaayon sa batas at pinahihintulutan itong gamitin ng mamamayang Bangsamoro.

Nabatid na dumating kahapon ang nasa kabuuang 4,200 vials ng Sinovac vaccine na laan ng pamahalaang nasyunal para sa BARMM. Ang mga ito ay lulan ng Philippine Airlines commercial flight mula Maynila.

Sinabi ni Ministry of Health (MOH-BARMM) Officer-in-charge Dr. Amirel Usman sa ginanap na press conference kahapon na ang nasabing bilang ng bakuna ay laan para sa dalawang doses na ibibigay sa 2,100 frontline health workers.

Aniya, ang Maguindanao ay may alokasyon na 1,400 vials, Sulu-1,032 vials, Lanao del Sur-972 vials, Tawi-Tawi-518 vials, at Basilan-278 vials.

Samantala, kaninang umaga ay sinimulan na ng MOH-BARMM ang ceremonial vaccination sa Integrated Provincial Health Office (IPHO) sa Maguindanao kung saan isa si Usman sa mga nabakunahan. (LTBolongon-PIA Cotabato City)

Copyright ©1998-2021 Industries News.Net | Mainstream Media Limited - All rights reserved